FREETHROWS Ni AC Zaldivar (Pilipino Star Ngayon) Updated November 09, 2010 12:00 AM Comments (0) View comments Isang magandang moral booster para sa defending champion B-Meg Derby Ace ang 104-97 panalong itinala nito kontra sa rumaragasa (sanang) Talk N Text noong Biyernes.
Kasi nga, feeling ng karamihan ay makakaulit ang Tropang Texters sa Llamados na ginulpi nila, 87-76 noong Oktubre 6. E hindi nga ba’t patuloy na nami-miss ng Llamados ang mga big men na sina Kerby Raymundo, Marc Pigris at Rafi Reavis na pawang nagpapagaling pa buhat sa injuries?
Sa kabilang dako, kahit na hindi din nakapaglalaro si Ranidel De Ocampo at parang matindi ang Tropang Texters. Oo’t napatid ang kanilang three-game winning streak nang sila’y ma-upset ng Rain or Shine (95-93) noong Oktubre 20. Pero dagli naman silang nakabawi buhat sa pagkakadapang iyon nang tambakan nila ang Powerade (108-89) at Fiesta Conference champion Alaska Milk (93-83) upang makasabay sa pangunguna ang San Miguel Beer sa kartang 5-1.
Pero nabigo nga ang Talk N Text na makaulit sa B-Meg Derby Ace.
At ang naging susi sa tagumpay ng Llamados ay ang pagsingasing ng mga guwardiyang sina James Yap, Peter June Simon at Jonas Villanueva.
Sa ngayon kasi’y doon muna humuhugot ng lakas si George Gallent na humalili kay Paul Ryan Gregorio bilang head coach ng B-Meg Derby Ace.
Si Yap, ang reigning Most Valuable Player ay nagtala ng 24 puntos, dalawang rebounds, dalawang assists at isang steal sa 41 minuto. Si Simon ay nagdagdag ng 23 puntos, tatlong rebounds at dalawang assists sa 39 minuto. Si Villanueva, na nakuha ng Llamados buhat sa San Miguel Beer bago nagsimula ang season, ay nagtala ng 17 puntos, dalawang rebounds at dalawang assists sa 22 minuto. Ang tatlong manlalarong nabanggit ay nagtulong para sa sampung three-point shot conversion.
Pero higit dito ay makikitang nakalamang ang Llamados sa Tropang Texters sa rebounding department, 46-43.
Tuloy, nasabi ni Galent na kapag maganda ng ipinapakita ng big men ng B-Meg Derby Ace sa shaded area, nagkakakumpiyansa ang mga guwardiya na tumira sa labas.
Noong nagsimula kasi ang season ay medyo andap na tumira sa labas ang Llamados dahil nga baka hindi nila makuha ang rebounds kapag nagmintis sila. Iba kasi ang kumpiyansang naibibigay nina Raymundo, Pingris at Reavis.
Pero nang lumaon nga’y nag-step up din naman sina Rico Maierhofer, Jondan Salvador, Don Allado, Rommel Adducul at Jerwin Gaco na nagpatunay na kaya din naman silang sumabay sa big men ng ibang teams.
At dahil dito’y maraming outside shots na ang ginagawa ng Llamados. Kumpiyansa na sila na kahit magmintis sila’y makukuha ng kanilang big men ang rebounds.
At heto ang magandang balita. Sa susunod na linggo ay magbabalik aksyon na si Pingris. At sa unang linggo ng Disyembre ay si Reavis naman ang lalaro.
Aba’y lalong tatatag ang gitna ng Llamados.
Lalong magkakakumpiyansa ang mga shooters.